S: Ang Sūrah Al-Fātiḥah at ang pagpapakahulugan dito:
1. (Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.) 2. (Ang papuri ay ukol kay Allāh, ang Panginoon ng mga nilalang,) 3. (ang Napakamaawain, ang Maawain,) 4. (ang Tagapagmay-ari ng Araw ng Pagtutumbas.) 5. (Sa Iyo [lamang] kami sumasamba at sa Iyo [lamang] kami nagpapatulong.) 6. (Patnubayan Mo kami sa landasing tuwid:) 7. (ang landasin ng mga biniyayaan Mo, hindi ng mga kinagalitan, at hindi ng mga naliligaw.) (Qur'ān 1:1-7)
Ang Pagpapakahulugan
Tinawag itong Sūrah Al-Fātiḥah dahil sa pagkakabukas ng Aklat ni Allāh sa pamamagitan nito.
1. {Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.} Sa ngalan ni Allāh, nagsisimula ako ng pagbigkas ng Qur'ān habang nagpapatulong sa pamamagitan nito kay Allāh habang tumatanggap ng pagpapala sa pamamagitan ng pagbanggit sa pangalan Niya.
{Allāh} ay nangangahulugang ang sinasamba ayon sa karapatan at hindi tinatawag sa pamamagitan nito ang iba pa sa Kanya (kaluwalhatian sa Kanya).
{ang Napakamaawain} ay nangangahulugang: ang may masaklaw na awa na sumaklaw sa bawat bagay.
{ang Maawain} ay nangangahulugang: ang may awa sa mga mananampalataya.
2. {Ang papuri ay ukol kay Allāh, ang Panginoon ng mga nilalang} ay nangangahulugang ang lahat ng mga pagpapapuri at kalubusan ay ukol kay Allāh – tanging sa Kanya.
3. {ang Napakamaawain, ang Maawain} ay nangangahulugang: ang may masaklaw na awa na sumaklaw sa bawat bagay, ang may awang nauugnay sa mga mananampalataya.
4. {ang Tagapagmay-ari ng Araw ng Pagtutumbas} Ito ay ang Araw ng Pagbangon.
5. {Sa Iyo [lamang] kami sumasamba at sa Iyo [lamang] kami nagpapatulong.} ay nangangahulugang: sumasamba kami sa Iyo – tanging sa Iyo – at nagpapatulong kami sa Iyo – tanging sa Iyo.
6. {Patnubayan Mo kami sa landasing tuwid} Ito ay ang kapatnubayan tungo sa Islām at Sunnah.
7. {ang landasin ng mga biniyayaan Mo, hindi ng mga kinagalitan, at hindi ng mga naliligaw.} ay nangangahulugang ang daan ng mga maayos na lingkod ni Allāh kabilang sa mga propeta at sinumang sumunod sa kanila, hindi ang daan ng mga Kristiyano at mga Hudyo.
Ibinibilang na sunnah na magsabi matapos ng pagbigkas nito ng āmīn, na nangangahulugang: Tumugon ka sa amin.
S: Ang Sūrah Az-Zalzalah at ang pagpapakahulugan dito:
(Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.)
1. (Kapag niyanig ang lupa sa pagyanig nito,) 2. (at nagpalabas ang lupa ng mga pabigat nito,) 3. (at magsasabi ang tao: "Ano ang nangyari dito?" –) 4. (sa Araw na iyon ay magsasaysay ito ng mga ulat nito) 5. (dahil ang Panginoon mo ay nagkasi rito.) 6. (Sa Araw na iyon ay hahayo ang mga tao nang hiwa-hiwalay upang pakitaan sila ng mga gawa nila.) 7. (Kaya ang sinumang gumawa ng kasimbigat ng isang katiting na kabutihan ay makikita niya iyon,) 8. (at ang sinumang gumawa ng kasimbigat ng isang katiting na kasamaan ay makikita niya iyon.) (Qur'ān 99:1-8)
Ang Pagpapakahulugan
1. {Kapag niyanig ang lupa sa pagyanig nito,}: Kapag pinagalaw ang lupa sa pagpapagalaw na matindi na mangyayari rito sa Araw ng Pagbangon,
2. {at nagpalabas ang lupa ng mga pabigat nito,}: at nagpalabas ang lupa ng nasa loob nito na mga patay at iba pa sa kanila,
3. {at magsasabi ang tao: "Ano ang nangyari dito?" –: at nagsabi ang tao habang nalilito: "Ano ang pumapatungkol sa lupa na gumagalaw-galaw at nauuga?" –
4. {sa Araw na iyon ay magsasaysay ito ng mga ulat nito}: sa dakilang Araw na iyon ay magpapabatid ang lupa ng ginawa sa ibabaw nito na kabutihan at kasamaan
5. {dahil ang Panginoon mo ay nagkasi rito.}: dahil si Allāh ay nagpaalam dito at nag-utos dito niyon.
6. {Sa Araw na iyon ay hahayo ang mga tao nang hiwa-hiwalay upang pakitaan sila ng mga gawa nila.}: Sa dakilang Araw na iyon na mayayanig roon ang lupa, lalabas ang mga tao mula sa tigilan ng pagtutuos nang pangkat-pangkat upang makasaksi sila sa mga gawa nila na ginawa nila sa Mundo.
7. {Kaya ang sinumang gumawa ng kasimbigat ng isang katiting na kabutihan ay makikita niya iyon,}: Kaya ang sinumang gumawa ng isang katimbang ng isang munting langgam na mga gawain ng kabutihan at pagpapakabuti ay makikita niya iyon sa harapan niya,
8. {at ang sinumang gumawa ng kasimbigat ng isang katiting na kasamaan ay makikita niya iyon.}: at ang sinumang gumawa ng isang katimbang niyon na mga gawain ng kasamaan ay makikita niya iyon gayon din.
S: Ang Sūrah Al-`Ādiyāt at ang pagpapakahulugan dito:
(Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.)
1. (Sumpa man sa mga [kabayong] tumatakbo habang humihingal,) 2. (saka sa mga nagpapaningas habang nakikiskis [ang mga kuko],) 3.(saka mga nanlulusob sa madaling-araw,) 4. (saka bumulabog ang mga ito sa pamamagitan nito ng mga alikabok,) 5. (saka pumagitna ang mga ito dahil dito sa isang pagtitipon;) 6. (tunay na ang tao, sa Panginoon niya, ay talagang isang mapagkaila.) 7. (Tunay na siya roon ay talagang isang saksi.) 8. (Tunay na siya, sa pag-ibig sa kayamanan, ay talagang matindi.) 9. (Kaya hindi ba siya nakaaalam kapag hinalukay ang nasa mga puntod) 10. (at itinanghal ang nasa mga dibdib,) 11. (tunay na ang Panginoon nila sa kanila, sa Araw na iyon, ay talagang Mapagbatid.) (Qur'ān 100:1-11)
Ang Pagpapakahulugan
1.{Sumpa man sa mga [kabayong] tumatakbo habang humihingal,}: Sumumpa si Allāh sa mga kabayong tumatakbo hanggang sa may marinig, dahil sa paghinga nito, na isang tunog dala ng tindi ng pagtakbo.
2. {saka sa mga nagpapaningas habang nakikiskis [ang mga kuko],}: Sumumpa Siya sa mga kabayong nagpapaningas ng apoy sa pamamagitan ng mga kuko ng mga ito, kapag sumaling ang mga [kabayong] ito sa pamamagitan ng [mga paa ng] mga ito sa mga bato, dahil sa tindi ng pagsalpok ng mga [kukong] ito sa mga [batong] ito.
3. {saka mga nanlulusob sa madaling-araw,}: Sumumpa Siya sa mga kabayong nanlulusob sa mga kaaway sa oras ng madaling-araw.
4. {saka bumulabog ang mga ito sa pamamagitan nito ng mga alikabok,}: Saka nagpagalaw ang mga ito, sa pamamagitan ng pagtakbo ng mga ito, ng mga alikabok.
5. {saka pumagitna ang mga ito dahil dito sa isang pagtitipon;}: Saka pumagitna ang mga ito sa pamamagitan ng mga mangangabayo ng mga ito sa isang pagtitipon ng mga kaaway.
6. {tunay na ang tao, sa Panginoon niya, ay talagang isang mapagkaila.}: Tunay na ang tao ay talagang mapagkait ng kabutihang ninanais mula sa kanya ng Panginoon niya.
7. {Tunay na siya roon ay talagang isang saksi.}: Tunay na siya, sa pagkakait niya ng kabutihan, ay talagang isang tagasaksi, na hindi nakakakaya ng pagkakaila niyon dahil sa kaliwanagan niyon.
8. {Tunay na siya, sa pag-ibig sa kayamanan, ay talagang matindi.}: Tunay na siya, dahil sa pagkalabis ng pag-ibig niya sa yaman, ay nagmamaramot nito.
9. {Kaya hindi ba siya nakaaalam kapag hinalukay ang nasa mga puntod}: Kaya hindi ba nakaaalam ang taong ito na nalilinlang ng buhay na pangmundo – kapag bumuhay si Allāh ng anumang nasa mga puntod na mga patay at nagpalabas Siya sa kanila mula sa lupa para sa pagtutuos at pagganti – na ang usapin ay hindi magiging gaya ng dati nilang hinahaka-haka.
10. {at itinanghal ang nasa mga dibdib,}: {at pinalantad at nilinaw ang anumang nasa mga puso na mga layunin, mga paniniwala, at iba pa sa mga ito,}
11. {tunay na ang Panginoon nila sa kanila, sa Araw na iyon, ay talagang Mapagbatid.}: tunay na ang Panginoon nila sa kanila, sa Araw na iyon, ay talagang Mapagbatid: walang nakakukubli sa Kanya na anuman mula sa nauukol sa mga lingkod Niya at gaganti sa kanila roon.
S: Ang Sūrah Al-Qāri`āh at ang pagpapakahulugan dito:
(Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.)
1. (Ang Tagakalampag.) 2. (Ano ang Tagakalampag?) 3. (Ano ang nagpabatid sa iyo kung ano ang Tagakalampag?) 4. (Sa Araw na [iyon], ang mga tao ay magiging para bang mga gamugamong pinakalat) 5. (at ang mga bundok ay magiging para bang mga lanang nahimulmol.) 6. (Kaya hinggil naman sa sinumang bumigat [sa kabutihan] ang mga timbangan niya,) 7. (siya ay nasa isang pamumuhay na nakalulugod.) 8. (Hinggil naman sa sinumang gumaan [sa kabutihan] ang mga timbangan niya,) 9. (ang kanlungan niya ay kailaliman.) 10. (Ano ang nagpabatid sa iyo kung ano iyon?) 11. ([Iyon ay] isang Apoy na napakainit.) (Qur'ān 101:1-11)
Ang Pagpapakahulugan
1. {Ang Tagakalampag.}: Ang oras na kakalampag sa mga puso ng mga tao dahil sa kasukdulan ng hilakbot dito.
2. {Ano ang Tagakalampag?}: Ano ang oras na ito na kakalampag sa mga puso ng tao dahil sa kasukdulan ng hilakbot dito?
3. {Ano ang nagpabatid sa iyo kung ano ang Tagakalampag?}: Ano ang nagpaalam sa iyo, O Sugo, kung ano ang oras na ito na kakalampag sa mga puso ng mga tao dahil sa kasukdulan ng hilakbot dito? Tunay na ito ay ang Araw ng Pagbangon.
4. {Sa Araw na [iyon], ang mga tao ay magiging para bang mga gamugamong pinakalat}: Sa Araw na kakalampagin ang mga puso ng mga tao, sila ay magiging para bang mga gamugamong kumakalat na naglilipana dito at doon,
5. {at ang mga bundok ay magiging para bang mga lanang nahimulmol.}: at ang mga bundok ay magiging tulad ng mga lanang hinimaymay sa kagaanan ng pag-usad ng mga ito at paggalaw ng mga ito.
6. {Kaya hinggil naman sa sinumang bumigat [sa kabutihan] ang mga timbangan niya,}: Kaya hinggil naman sa sinumang tumimbang ang mga gawa niyang maayos higit sa mga gawa niyang masagwa,
7. {siya ay nasa isang pamumuhay na nakalulugod.}: siya ay nasa isang pamumuhay na kinalulugdan, na matatamo niya ito sa Paraiso.
8. {Hinggil naman sa sinumang gumaan [sa kabutihan] ang mga timbangan niya,}: Hinggil naman sa sinumang tumimbang ang mga gawa niyang masagwa higit sa mga gawa niyang maayos,
9. {ang kanlungan niya ay kailaliman.}: ang tirahan niya at pagtitigilan niya sa Araw ng Pagbangon ay Impiyerno.
10. {Ano ang nagpabatid sa iyo kung ano iyon?}: Ano ang nagpaalam sa iyo, O Sugo, kung ano iyon?
11. {[Iyon ay] isang Apoy na napakainit.}: Iyon ay isang Apoy na matindi ang init.
S: Ang Sūrah At-Takāthur at ang pagpapakahulugan dito:
(Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.)
1. (Nagpalibang sa inyo ang pagpaparamihan) 2. (hanggang sa dumalaw kayo sa mga pinaglilibingan.) 3. (Aba'y hindi! Malalaman ninyo.) 4. (Pagkatapos, aba'y hindi! Malalaman ninyo.) 5. (Aba'y hindi! Kung sakaling nalalaman ninyo nang may kaalaman ng katiyakan,) 6. (talagang makikita nga ninyo ang Impiyerno.) 7. (Pagkatapos talagang makikita nga ninyo iyon nang may mata ng katiyakan.) 8. (Pagkatapos talagang tatanungin nga kayo sa Araw na iyon tungkol sa kaginhawahan.) (Qur'ān 102:1-8)
Ang Pagpapakahulugan
1. {Nagpalibang sa inyo ang pagpaparamihan}: Umabala sa inyo, O mga tao, ang pagyayabangan sa mga yaman at mga anak palayo sa pagtalima kay Allāh.
2. {hanggang sa dumalaw kayo sa mga pinaglilibingan.}: hanggang sa namatay kayo at pumasok kayo sa mga libingan ninyo.
3. {Aba'y hindi! Malalaman ninyo.}: Hindi naging ukol sa inyo na umabala sa inyo ang pagyayabangan sa mga iyon palayo sa pagtalima kay Allāh. Malalaman ninyo ang kahihinatnan ng pagpapakaabalang iyon.
4. {Pagkatapos, aba'y hindi! Malalaman ninyo.}: Pagkatapos, aba'y hindi! Malalaman ninyo ang kahihinatnan niyon.
5. {Aba'y hindi! Kung sakaling nalalaman ninyo nang may kaalaman ng katiyakan,}: Sa katotohanan, kung sakaling kayo ay nakaalam nang tiyakan na kayo ay mga bubuhayin tungo kay Allāh at na Siya ay gaganti sa inyo sa mga gawa ninyo, talagang hindi sana kayo nagpakaabala sa pagyayabangan sa mga yaman at mga anak.
6. {talagang makikita nga ninyo ang Impiyerno.}: Sumpa man kay Allāh, talagang makasasaksi nga kayo sa Apoy sa Araw ng Pagbangon.
7. {Pagkatapos talagang makikita nga ninyo iyon nang may mata ng katiyakan.}: Pagkatapos talagang makasasaksi nga kayo niyon ayon sa pagkakasaksi ng katiyakan na walang pagdududa hinggil dito.
8. {Pagkatapos talagang tatanungin nga kayo sa Araw na iyon tungkol sa kaginhawahan.}: Pagkatapos talagang magtatanong nga sa inyo si Allāh sa Araw na iyon tungkol sa ibiniyaya Niya sa inyo na kalusugan, pagkayaman, at iba pa sa dalawang ito.
S: Ang Sūrah Al-`Aṣr at ang pagpapakahulugan dito:
(Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.)
1. (Sumpa man sa panahon,) 2. (tunay na ang tao ay talagang nasa isang pagkalugi,) 3. (maliban sa mga sumampalataya, gumawa ng mga maayos, nagtagubilinan ng katotohanan, at nagtagubilinan ng pagtitiis.) (Qur'ān 103:1-3)
Ang Pagpapakahulugan
1. {Sumpa man sa panahon,}: Sumumpa Siya (kaluwalhatian sa Kanya sa oras ng panahon.
2. {tunay na ang tao ay talagang nasa isang pagkalugi,}: Tunay na ang tao ay talagang nasa isang pagkakulang at isang kapahamakan,
3. {maliban sa mga sumampalataya, gumawa ng mga maayos, nagtagubilinan ng katotohanan, at nagtagubilinan ng pagtitiis.}: maliban sa mga sumampalataya at gumawa ng maayos, at sa kabila niyon ay nag-anyaya sila tungo sa katotohanan at nagtiis sila rito kaya ang mga ito ay ang mga maliligtas mula sa kalugihan.
S: Ang Sūrah Al-Humazah at ang pagpapakahulugan dito:
(Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.)
1. (Kapighatian ay ukol sa bawat palalibak na mapanirang-puri,) 2. (na nag-ipon ng yaman at bumilang-bilang nito,) 3. (habang nag-aakala na ang yaman niya ay magpapanatili sa kanya.) 4. (Aba'y hindi! Talagang ihahagis nga siya sa Mapangwasak.) 5. (Ano ang nagpabatid sa iyo kung ano ang Mapangwasak?) 6. ([Ito ay] ang Apoy ni Allāh, na ginagatungan,) 7. (na nanunuot sa mga puso.) 8. (Tunay na ito sa kanila ay itataklob,) 9. (sa mga haliging pinahaba.) (Qur'ān 104:1-9)
-
1. {Kapighatian ay ukol sa bawat palalibak na mapanirang-puri,}: Kasaklapan at katindihan ng pagdurusa ay ukol sa madalas ang panlilibak sa mga tao at ang paninirang-puri sa kanila.
2. {na nag-ipon ng yaman at bumilang-bilang nito,}: na ang pinahahalagahan niya ay ang pag-iipon ng yaman at pag-isa-isa nito: walang pinahahalagahan para sa kanya na iba pa roon,
3. {habang nag-aakala na ang yaman niya ay magpapanatili sa kanya.}: habang nagpapalagay na ang yaman niya na tinipon niya ay magliligtas sa kanya mula sa kamatayan para mamalagi siyang nananatili sa buhay na pangmundo.
4. {Aba'y hindi! Talagang ihahagis nga siya sa Mapangwasak.}: Ang usapin ay hindi gaya ng ginuniguni ng mangmang na ito. Talagang itatapon nga siya sa Apoy ng Impiyerno na dumudurog at bumabasag sa bawat itatapon doon dahil sa tindi ng lakas niyon.
5. {Ano ang nagpabatid sa iyo kung ano ang Mapangwasak?}: At ano ang nagpaalam sa iyo, O Sugo, kung ano ang Apoy na ito na magwawasak sa bawat itatapon doon?
6. {[Ito ay] ang Apoy ni Allāh, na ginagatungan,}: Ito ay ang Apoy ni Allāh, na nagliliyab,
7. {na nanunuot sa mga puso.}: na tumatagos sa mga katawan ng mga tao patungo sa mga puso nila.
8. {Tunay na ito sa kanila ay itataklob}: Tunay na ito sa mga pinagdurusa roon ay isasara
9. {sa mga haliging binanat.}: sa mga haliging nabanat na mahaba upang hindi sila makalabas mula roon.
S: Ang Sūrah Al-Fīl at ang pagpapakahulugan dito:
(Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.)
1. (Hindi mo ba napag-alaman kung papaano ang ginawa ng Panginoon mo sa mga kasamahan ng elepante?) 2. (Hindi ba Siya gumawa sa *panlalansi nila [na mauwi] sa isang pagkawala?) 3. (Nagsugo Siya sa kanila ng mga ibon na kawan-kawan,) 4. (na nagpupukol sa kanila ng mga batong mula sa luwad na nanigas.) 5. (Kaya gumawa Siya sa kanila gaya ng uhay na kinainan.) (Qur'ān 105:1-5)
Ang Pagpapakahulugan
1. {Hindi mo ba napag-alaman kung papaano ang ginawa ng Panginoon mo sa mga kasamahan ng elepante?}: Hindi mo ba nalaman, O Sugo, kung papaano ang ginawa ng Panginoon mo kay Abrahah at sa mga kasamahan niyang mga kasamahan ng elepante nang nagnais sila ng pagwasak ng Ka`bah?
2. {Hindi ba Siya gumawa sa panlalansi nila [na mauwi] sa isang pagkawala? }: Talaga ngang gumawa si Allāh sa pagpapanukala nilang masagwa para sa pagwasak ng Ka`bah [na mauwi] sa isang pagkasayang sapagkat hindi sila nagtamo ng minithi nila na pagpapabaling sa mga tao palayo sa Ka`bah at hindi sila nagtamo mula roon ng anuman.
3. {Nagsugo Siya sa kanila ng mga ibon na kawan-kawan,}: Nagpadala Siya sa kanila ng mga ibon na pumunta sa kanila nang pangkat-pangkat,
4. {na nagpupukol sa kanila ng mga batong mula sa luwad na nanigas.}: na nagpupukol sa kanila ng mga batong mula sa luwad na nagsabato.
5. {Kaya gumawa Siya sa kanila gaya ng uhay na kinainan.}: Kaya gumawa sa kanila si Allāh gaya ng mga dahon ng pananim na kinainan ng mga hayop at tinapakan ng mga ito.
S: Ang Sūrah Quraysh at ang pagpapakahulugan dito:
(Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.)
1. (Dahil sa pagkahirati sa Quraysh –) 2. (sa pagkahirati nila sa paglalakbay sa taglamig at tag-init –) 3. (ay sumamba sila sa Panginoon ng Bahay na ito,) 4. (na nagpakain sa kanila mula sa pagkagutom at nagpatiwasay sa kanila mula sa pangamba.) (Qur'ān 106:1-4)
Ang Pagpapakahulugan
1. {Dahil sa pagkahirati sa Quraysh –}: Alang-alang sa kaugalian ng Quraysh at pagkahirati nila –
2. {sa pagkahirati nila sa paglalakbay sa taglamig at tag-init –}: sa paglalakbay sa taglamig patungo sa Yemen at sa paglalakbay sa tag-init patungo sa Sirya habang mga natitiwasay –
3. {ay sumamba sila sa Panginoon ng Bahay na ito,}: ay sumamba sila kay Allāh lamang, ang Panginoon ng Bahay na Pinakababanal na nagpadali para sa kanila ng paglalakbay na ito, at huwag silang magtambal sa Kanya ng isa man,
4. {na nagpakain sa kanila mula sa isang pagkagutom at nagpatiwasay sa kanila mula sa isang pangamba.}: na nagpakain sa kanila mula sa isang pagkagutom at nagpatiwasay sa kanila mula sa isang pangamba dahil sa inilagay Niya sa mga puso ng mga Arabe na paggalang sa lugar ng Ka`bah at paggalang sa mga naninirahan doon.
S: Ang Sūrah Al-Mā`ūn at ang pagpapakahulugan dito:
(Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.)
1. (Nakakita ka ba sa nagpapasinungaling sa pagtutumbas?) 2. (Sapagkat iyon ay ang nagsasalya sa ulila) 3. (at hindi nanghihikayat sa pagpapakain sa dukha.) 4. (Kaya kapighatian ay ukol sa mga tagapagdasal,) 5. n (na sila sa pagdarasal nila ay mga nagpapabaya,) 6. (na sila ay nagpapakitang-tao) 7. (at nagkakait ng munting tulong.) (Qur'ān 107:1-7)
Ang Pagpapakahulugan
1. {Nakakita ka ba sa nagpapasinungaling sa *pagtutumbas?}: Nakakilala ka ba sa nagpapasinungaling sa pagganti sa Araw ng Pagbangon?
2. {Sapagkat iyon ay ang nagsasalya sa ulila}: Sapagkat siya ay yaong tumutulak sa ulila nang may kagaspangan palayo sa pangangailangan nito,
3. {at hindi nanghihikayat sa pagpapakain sa dukha.}: at hindi nag-uudyok sa sarili niya at hindi nag-uudyok sa iba sa kanya sa pagpapakain sa maralita.
4. {Kaya kapighatian ay ukol sa mga tagapagdasal,}: Kaya kapahamakan at pagdurusa ay ukol sa mga tagapagdasal,
5. {na sila sa pagdarasal nila ay mga nagpapabaya,}: na sila sa pagdarasal nila ay mga naglilibang, hindi pumapansin dito hanggang sa matapos ang oras nito,
6. {na sila ay nagpapakitang-tao): na sila ay nagpapakitang-tao sa pagdarasal nila at mga gawa nila: hindi nagpapakawagas ng gawain nila para kay Allāh,
7: {at nagkakait ng munting tulong. }: at nagkakait ng pagtulong sa iba pa sa kanila ng bagay na walang kapinsalaan sa pagtulong sa pamamagitan nito.
S: Ang Sūrah Al-Kawthar at ang pagpapakahulugan dito:
(Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.)
1. (Tunay na Kami ay nagbigay sa iyo ng Kawthar.) 2. (Kaya magdasal ka sa Panginoon mo at mag-alay.) 3. (Tunay na ang nasusuklam sa iyo ay siya ang lagot sa pagpapala.) (Qur'ān 108:1-3)
Ang Pagpapakahulugan
1. {Tunay na Kami ay nagbigay sa iyo ng Kawthar.}: Tunay na Kami ay nagbigay sa iyo, O Sugo, ng kabutihang marami, at kabilang dito ang ilog ng Kawthar sa Paraiso.
2. {Kaya magdasal ka sa Panginoon mo at mag-alay.}: Kaya magsagawa ka ng pasasalamat kay Allāh sa biyayang ito, na magdasal ka sa Kanya lamang at magkatay ka [ng alay], na salungat sa ginagawa ng mga tagapagtambal na pagpapakalapit-loob sa mga diyus-diyusan nila sa pamamagitan ng pagkakatay [ng alay].
3. {Tunay na ang nasusuklam sa iyo ay siya ang lagot sa pagpapala.}: Tunay na ang namumuhi sa iyo ay siya ang naputol sa bawat kabutihan, ang nakalimutan, na kung naalaala man ay naaalaala sa kasagwaan.
S: Ang Sūrah Al-Kāfirūn at ang pagpapakahulugan dito:
(Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.)
1. (Sabihin mo: "O mga tagatangging sumampalataya,) 2. (hindi ako sumasamba sa sinasamba ninyo,) 3. (ni kayo ay mga sasamba sa sinasamba ko;) 4. (ni ako ay sasamba sa sinamba ninyo,) 5. (ni kayo ay mga sasamba sa sinasamba ko.) 6. (Ukol sa inyo ang relihiyon ninyo at ukol sa akin ang relihiyon ko.") (Qur'ān 109:1-6)
Ang Pagpapakahulugan
1. {Sabihin mo: "O mga tagatangging sumampalataya,}: Sabihin mo, O Sugo: "O mga tagatangging sumampalataya kay Allāh,
2. {hindi ako sumasamba sa sinasamba ninyo,}: hindi ako sumasamba sa kasalukuyan at sa hinaharap sa sinasamba ninyo na mga anito,
3. {ni kayo ay mga sasamba sa sinasamba ko;}: ni kayo ay mga sasamba sa sinasamba ko mismo ay Siya ay si Allāh lamang,
4. {ni ako ay sasamba sa sinamba ninyo,}: ni ako ay sasamba sa sinamba ninyo, na mga anito,
5. {ni kayo ay mga sasamba sa sinasamba ko.}: ni kayo ay mga sasamba sa sinasamba ko mismo ay Siya ay si Allāh lamang,
6. {Ukol sa inyo ang relihiyon ninyo at ukol sa akin ang relihiyon ko."}: Ukol sa inyo ang relihiyon ninyo na pinauso ninyo para sa mga sarili ninyo at ukol sa akin ang relihiyon ko na pinababa ni Allāh sa akin."
S: Ang Sūrah An-Naṣr at ang pagpapakahulugan dito:
(Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.)
1. ̣ (Kapag dumating ang pag-aadya ni Allāh at ang pagsakop) 2. (at nakakita ka sa mga tao na pumapasok sa Relihiyon ni Allāh nang mga pulu-pulutong) 3. (ay magluwalhati ka kalakip ng papuri sa Panginoon mo at humingi ka ng tawad sa Kanya. Tunay na Siya ay laging Palatanggap ng pagbabalik-loob.) (Qur'ān 110:1-3)
Ang Pagpapakahulugan
1. {Kapag dumating ang pag-aadya ni Allāh at ang pagsakop}: Kapag dumating ang pag-aadya ni Allāh sa Relihiyon mo, O Sugo, ang pagpapalakas Niya rito, at ang pagkaganap ng pagsakop sa Makkah
2. {at nakakita ka sa mga tao na pumapasok sa Relihiyon ni Allāh nang mga pulu-pulutong}: at nakakita ka sa mga tao na pumapasok sa Islām sa isang delegasyon matapos ng isang delegasyon
3. {ay magluwalhati ka kalakip ng papuri sa Panginoon mo at humingi ka ng tawad sa Kanya. Tunay na Siya ay laging Palatanggap ng pagbabalik-loob.}: ay alamin mo na iyon ay isang palatandaan sa pagkalapit ng pagwawakas ng misyon na ipinadala ka dahil doon kaya magluwalhati ka kalakip ng papuri sa Panginoon mo bilang pasasalamat sa Kanya sa biyaya ng pag-aadya at pagsakop [sa Makkah], at humiling ka mula sa Kanya ng kapatawaran. Tunay na Siya ay laging Palatanggap ng pagbabalik-loob, na tumatanggap ng pagbabalik-loob ng mga lingkod Niya at nagpapatawad sa kanila.
S: Ang Sūrah Al-Masad at ang pagpapakahulugan dito:
(Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.)
1. (Napahamak ang dalawang kamay ni Abū Lahab at napahamak siya!) 2. (Hindi nakapagdulot para sa kanya ang yaman niya at ang anumang nakamit niya.) 3. (Masusunog siya sa isang Apoy na may lagablab) 4. (at ang maybahay niya [rin], na tagapasan ng kahoy na panggatong,) 5. (habang sa leeg nito ay may tali mula sa linubid na himaymay.) (Qur'ān 111:1-5)
Ang Pagpapakahulugan
1. {Napahamak ang dalawang kamay ni Abū Lahab at napahamak siya!}: Nalugi ang dalawang kamay ng tiyuhin ng Propeta – basbasan siya ni Allāh at pangalagaan – na si Abū Lahab bin `Abdulmuṭṭalib dahil sa pagkalugi ng gawain niya yayamang siya noon ay nananakit sa Propeta – basbasan siya ni Allāh at pangalagaan – at nabigo ang pagpupunyagi niya.
2. {Hindi nakapagdulot para sa kanya ang yaman niya at ang anumang nakamit niya.}: Aling bagay ang naidulot para sa kanya ng yaman niya at anak niya? Hindi magtutulak ang mga ito palayo sa kanya ng isang pagdurusa at hindi maghahatak ang mga ito para sa kanya ng isang awa.
3. {Masusunog siya sa isang Apoy na may lagablab}: Papasok siya sa Araw ng Pagbangon sa isang apoy na may lagablab, na magdurusa siya sa init niyon,
4. {at ang maybahay niya [rin], na tagapasan ng kahoy na panggatong,}: Papasok [din] doon ang maybahay niyang si Umm Jamīl, na dating nananakit sa Propeta – basbasan siya ni Allāh at pangalagaan – sa pamamagitan ng pagtatapon ng mga tinik sa daan niya,
5. {habang sa leeg nito ay may tali mula sa linubid na himaymay.}: habang sa leeg nito ay may tali na mahigpit ang pagkalubid, na ipang-aakay rito tungo sa Apoy.
S: Ang Sūrah Al-Ikhlāṣ at ang pagpapakahulugan dito:
(Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.)
1. (Sabihin mo: "Siyang si Allāh ay Kaisa-isa.) 2. (Si Allāh ay ang Dulugan [sa pangangailangan].) 3. (Hindi Siya nagkaanak at hindi Siya ipinanganak.) 4. (Hindi nagkaroon sa Kanya ng isang kapantay na isa man.") (Qur'ān 112:1-4)
Ang Pagpapakahulugan
1. {Sabihin mo: "Siyang si Allāh ay Kaisa-isa.}: Sabihin mo, O Sugo: "Siyang si Allāh, ang namumukod-tangi sa pagkadiyos, ay walang diyos na iba pa sa Kanya.
2. {Si Allāh ay ang Dulugan [sa pangangailangan].}: Siya ay ang Amo na nagwakas sa Kanya ang pagkaamo sa mga katangian ng kaganapan at karikitan, na dinudulugan ng mga nilikha.
3. {Hindi Siya nagkaanak at hindi Siya ipinanganak.}: Hindi Siya nagkaanak ng isa man at hindi Siya ipinanganak ng isa, kaya naman walang anak para sa Kanya – kaluwalhatian sa Kanya – at walang nag-anak.
4. {Hindi nagkaroon sa Kanya ng isang kapantay na isa man."}: Hindi nagkaroon sa Kanya ng isang nakikitulad sa paglikha Niya."
S: Ang Sūrah Al-Falaq at ang pagpapakahulugan dito:
(Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.)
1. (Sabihin mo: "Nagpapakupkop ako sa Panginoon ng bukang-liwayway) 2. (laban sa kasamaan ng anumang nilikha Niya) 3. (at laban sa kasamaan ng pusikit kapag lumaganap ito,) 4. (at laban sa kasamaan ng mga babaing [manggagaway na] palaihip sa mga buhol,) 5. (at laban sa kasamaan ng naiinggit kapag nainggit ito.") (Qur'ān 113:1-5)
Ang Pagpapakahulugan
1. {Sabihin mo: "Nagpapakupkop ako sa Panginoon ng bukang-liwayway}: Sabihin mo, O Sugo: "Nagpapasanggalang ako sa Panginoon ng madaling-araw at nagpapakalinga ako sa Kanya
2. {laban sa kasamaan ng anumang nilikha Niya}: laban sa kasamaan ng nakasasakit kabilang sa mga nilikha.
3. {at laban sa kasamaan ng pusikit kapag lumaganap ito,}: Nagpapasanggalang ako kay Allāh laban sa mga kasamaan na lumilitaw sa gabi gaya ng mga hayop at mga magnanakaw.
4. {at laban sa kasamaan ng mga babaing [manggagaway na] palaihip sa mga buhol,}: Nagpapasanggalang ako sa Kanya laban sa kasamaan ng mga babaing manggagaway na umiihip sa mga buhol.
5. {at laban sa kasamaan ng naiinggit kapag nainggit ito."}: Nagpapasanggalang ako sa Kanya laban sa kasamaan ng isang naiinggit kapag gumawa ito ng itinutulak sa kanya ng inggit."
S: Ang Sūrah An-Nās at ang pagpapakahulugan dito:
(Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.)
1. (Sabihin mo: "Nagpapakupkop ako sa Panginoon ng mga tao,) 2. (na Hari ng mga tao,) 3. (na Diyos ng mga tao,) 4. (laban sa kasamaan ng tagapasaring na palaurong,) 5. (na nagpapasaring sa mga dibdib ng mga tao,) 6. (kabilang sa mga jinn at mga tao.) (Qur'ān 114:1-6)
Ang Pagpapakahulugan
1. {Sabihin mo: "Nagpapakupkop ako sa Panginoon ng mga tao,}: Sabihin mo, O sugo: "Nagpapasanggalang ako sa Panginoon ng mga tao at nagpapakalinga ako sa Kanya,
2. {na Hari ng mga tao, }: na namamatnugot sa kanila ng anumang niloloob Niya, na walang naghahari para sa kanila na iba pa sa Kanya,
3. {na Diyos ng mga tao,}: na sinasamba nila ayon sa karapatan, na walang sinasamba para sa kanila ayon sa karapatan na iba pa sa Kanya,
4. {laban sa kasamaan ng tagapasaring na palaurong,}: laban sa kasamaan ng demonyo na nagpupukol ng pasaring niya sa mga tao,
5. {na nagpapasaring sa mga dibdib ng mga tao,}: na nagpupukol ng pasaring niya sa mga puso ng mga tao,
6. {kabilang sa mga jinn at mga tao.} ay nangangahulugang: ang tagapasaring ay nagiging kabilang sa mga tao at nagiging kabilang sa mga jinn."